Riot sa UP concert: 19 sugatan

MANILA, Philippines - Labing-walong mag-aaral at isang pulis ang nasugatan sa ginanap na rock concert sa Univer­sity of the Philippine (UP) Campus makaraang mang­gulo dito ang ilang kabataang gate crashers sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Sa report ng UP Po­lice, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang mag-panic ang mga UP stu­dents nang nagpumilit pumasok ang mga kaba­ta­ang gate crashers sa na­turang rock concert sa Sunken Garden, UP Cam­pus, Diliman, Que­zon City.

Sinasabing habang nasa gitna ng konsi­yerto, bigla na lamang nagda­tingan ang mga kabataan subalit sa gate pa lang ay hinarang sila at pinag­sarhan ni UP Police Sgt. Ramon Mondrigo.

Dahil dito, inuga ng mga suspek ang gate sa na­­turang unibersidad hang­­gang sa bumagsak ito at nadaganan si Mon­drigo.

Kasunod nito, nagka­gulo na at nagtakbuhan ang mga   nanonood sa konsiyerto na ikinasugat ng 18 estudyante. Agad namang ipina­tigil ng mga opisyales ng UP ang concert habang mabilis na nagtakbuhan ang mga kabataang gate crashers na hinihinalang mga lango sa ipinagba­bawal na droga.

Si Sgt. Mondrigo ay dinala noon din sa UP Clinic at binigyan ng first aid bago isinugod sa isang ospital. Ligtas na­man sa anu­mang mala­lang kapaha­ma­kan ang mga nasu­gatan sa naturang kon­siyerto. 

Ang kasong ito ay pa­tuloy na iniimbestigahan ng pulisya. (Angie dela Cruz)

Show comments