MANILA, Philippines - Nagpakalat na rin kahapon ng police marshals ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga bus at tren ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) stations upang tiyakin na hindi na mauulit pa ang madugong Valentine’s Day bombing noong 2005 sa Metro Manila.
Sinabi ni NCRPO chief Director Leopoldo Bataoil na ang nasabing mga ‘police marshals’ ay siyang bubuo sa inilatag nilang checkpoints sa mga pangunahing lugar at mga pasilidad sa kalunsuran.
Ayon kay Bataoil, magka-tandem na sasakay sa mga pampasaherong bus at light rail system ang mga ‘police marshals’ upang tiyakin ang ka ligtasan ng mga commuters.
Nauna nang umalerto ang NCRPO kaugnay ng posibleng pagsasamantala umano ng mga teroristang grupo upang mapigilan ang pananabotahe ng mga ito sa paggunita sa Araw ng mga Puso.
Kasabay nito ay namudmod rin ng mga bulaklak ang mga pulis sa mga pasaherong babae sa MRT station sa Shaw Boulevard sa kahabaan ng Edsa at iba pang lugar bilang pakikiisa sa mga magsing-irog na nagdiriwang ng kanilang pagmamahalan.
Samantalang bantay sarado rin sa pinalakas na police visibility operations ang mga lugar na pasyalan, gayundin ang mga daungan at pantalan.
Ayon pa sa NCRPO Chief, nagdagdag rin sila ng ipinakalat na mga tauhan sa mga terminal ng bus at iba pang matataong lugar na dinarayo ng mga lovers.
Magugunita na isinailalim ni Bataoil ang NCRPO sa full alert status hanggang sa pagtatapos ng linggong ito upang maiwasan na maulit pa ang madugong pambobomba sa isang pampasaherong bus na bumibiyahe sa kahabaan ng Edsa na kagagawan ng mga pinaghihinalaang terorista noong Pebrero 14, 2005 na kumitil ng buhay ng 3 katao habang 20 pa ang naitalang sugatan sa Makati City.