Salvage victim pa natagpuan sa Quezon City
MANILA, Philippines - Isa na namang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng “summary execution” ang natagpuan kahapon ng umaga sa tapat ng isang paaralan sa Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection unit, dakong alas-6 kahapon ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng lalaki sa tapat ng St. Anthony School sa may kanto ng Regalado Street at Mindanao Avenue Extension, sa naturang lungsod.
May tama ng bala sa katawan ang biktima, nakasuot ng asul na short pants, brown t-shirt, katamtaman ang katawan, nakabalot ng packaging tape ang buong mukha, at nakatali ang mga kamay at paa.
Hinihinalang itinapon lamang ang bangkay sa naturang lugar sa magdamag at natagpuan lamang ng isang hindi nagpakilalang bystander nang magliwanag na.
Tulad ng ibang mga kaso ng mga natatagpuang salvage victim, blangko rin ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan sa biktima at sa mga nasa likod ng naturang pamamaslang.
Matatandaan na umalma kamakailan ang Commission on Human Rights (CHR) sa kawalang-aksyon ng Philippine National Police (PNP) sa isyu ng summary executions sa bansa. Nitong Enero, 2 bangkay ng hindi nakilalang lalaki ang natagpuan rin sa Quezon City kasabay ng pagkakatagpo ng isa pa sa Maynila. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending