MANILA, Philippines - Malaki ang pag-asa ng transport groups sa posibleng pagkakaroon ng panibagong fare rollback ngayong buwan ng Pebrero sa mga pampasaherong jeep.
Sinabi ni Efren de Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) na hihilingin nito at ng iba pang transport groups sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tanggapin ang ihahaing rollback sa pasahe sa mga pampasaherong jeep sa bansa.
Ipinaliwanag ni De Luna dahil sa pagbaba ng halaga ng diesel sa P25.00 kada litro kung kaya’t ito ang nagtulak sa kanila na ibalik ito sa mga commuters.
“Ang rollback ng pasahe ay ngayong February at ipapatupad dahil sa bumaba ang halaga ng presyo ng krudo sa P25 at bilang pangako sa mananakay na pag bumaba sa nabanggit na halaga ay mananawagan kami sa LTFRB na kami ay magbababa ng pasahe ng P.50,” paliwanag pa ni De Luna.
Sa sandaling aprubahan ng LTFRB ang nasabing rollback sa pasahe ay magiging P7.00 na lamang ang minimum fare. Ngayon ay P7.50 ang minimum na pasahe.
Una nito, sinabi ng militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), na kung magkakaroon ng substantial rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa unang linggo ng Pebrero ay ipatutupad ng mga ito ang “Valentine fare rollback” sa pasahe.
Sa panig naman ni LTFRB chairman Alberto Suansing, karagdagang programa para sa kapakanan ng transport sector at commuters ang uunahing ipatutupad nito.
Ngayong buwan anya, prayoridad na aksyunan ng ahen siya ang usapin tungkol sa fare rollback sa mga passenger jeepney at ang pagbusisi sa iba pang petisyon sa pasahe sa mga pampasaherong sasakyan. (Angie dela Cruz)