2-anyos binanlian ng kumukulong tubig, patay

MANILA, Philippines - Isang 2-anyos na paslit ang nasawi matapos itong banlian ng kumukulong tubig ng kanyang pinsan sa loob ng ka­nilang bahay kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Namatay habang nilala­patan ng lunas sa Quirino Medical Center sa Project 4, Quezon City sanhi ng tina­mong 3rd degree burn sa buong katawan ang bik­timang si Shanal Mikey Melancio, ng Catleya St., Area D, Camarin 11 ng na­banggit na lungsod.  

Nasa pangangalaga naman ngayon ng Depart­ment of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek na si Marvin, 14, ele­mentary student, at pan­sa­mantalang naninira­han sa bahay ng biktima ng nabang­git na lugar.   

Sa ulat ni PO1 Rhostom Ocampo, may hawak ng kaso, ang insidente ay na­ganap sa loob ng bahay ng biktima dakong alas-10 ng umaga.  

Nabatid na kasaluku­yang inaalagaan ng suspek na si Marvin ang kanyang pinsan at sa hindi malamang dahilan ay kumuha ito ng kumukulong tubig at saka ibinuhos sa ka­tawan ng biktima.  

Siya namang pagdating ng tiyahin ng biktima na si Alleen Clemente ay saka lamang nadiskubre nito ang malub­hang pinsalang tina­mo ng kanyang pamangkin.

Agarang isinugod ni Cle­mente ang biktima sa na­sabing pagamutan kung saan binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Napag-alaman mula sa ilang residente ng naturang lugar, posibleng may kapan­sanan sa pag-iisip ang sus­pek dahil hindi umano normal ang ikinikilos. Pa­tuloy pa rin ang isinagawang imbestigas­yon sa insidente.

Show comments