Shipment ng LPG dumating na, rollback inaasahan sa Marso
MANILA, Philippines - Dahil na rin sa pagdating kahapon ng malaking shipment ng liquefied petroleum gas (LPG) sa mababang halaga ng contract price nito, nagbigay ng indikasyon ang mga dealers ng nasabing cooking gas na magpapatupad sila ng malakihang rollback para dito pagpasok ng buwan ng Marso.
Ayon kay LPG Marketers Association head Arnel Ty, dumating na kahapon ang nasa 25,000 metrikong tonelada ng LPG para sa major LPG supplier na Liquigaz. Maliban pa umano ito sa isa pang malaking shipment sa susunod na linggo.
Sa katunayan ayon pa kay Ty, sobra-sobra na ngayon ang supply ng LPG, taliwas sa nangyari nitong nakaraang buwan kung saan pahirapan sa paghahanap ng naturang cooking gas. Hindi naman nagbigay ng detalye si Ty kung magkano ang maaaring ipatupad na bawas-presyo sa LPG.
Maging ang mga oil companies at refillers naman ay nagpahayag din kahapon ng positibong balita hinggil sa usapin ng presyo at supply nito. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending