Pulisya nagbabala sa 'Dura-dura gang'
MANILA, Philippines - Nagbabala ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) sa mga mananakay ng jeep sa grupong “Dura-dura Gang” na nambibiktima ng mga pasahero sa pamamagitan ng pandudura.
Ito’y matapos na mabiktima sa naturang modus-operandi ang pasaherong si Joan Tallod, 22, nurse, matapos na tangayin ng nasa apat hanggang limang suspek ang kanyang cellphone at pera sa loob ng kanyang bag habang sakay ng pampasaherong jeep kamakalawa ng gabi sa may Kamuning, ng naturang lungsod.
Sinabi ni QCPD director, Chief Supt. Magtanggol Gatdula na modus ng naturang grupo ang pagdura sa likod ng kanilang bibiktimahin. Isa naman sa mga ito ang magmamagandang-loob na tumulong sa kanilang biktima upang linisin ang dura at awayin ang nandura habang ang ibang kasabwat ay nililimas na ang laman ng bag nito.
Apat hanggang limang miyembro ang malimit magkakasama at magkakasabwat sa grupong ito na nagpapanggap din na mga pasahero sa mga dyip o bus at kalimitang gumamit lamang ng senyas upang isagawa ang kanilang masamang gawain.
Nagbabala naman si Gatdula sa mga pasahero na matyagang mabuti ang kanilang mga kasamahan sa loob ng jeep o bus. Kung sakali iba ang nabiktima, makabubuti na agad na humingi ng saklolo ang mga nakasaksi upang agad na maaaresto ang mga suspek. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending