1 pa sinalvage sa Pasig

MANILA, Philippines - “’Wag niyo akong tularan, talamak akong drug pusher, bata ako ni Macmac Payapa.”

Ito ang nakasulat sa kapira­song karton na iniwan sa dibdib ng isang hinihinalang drug pusher matapos na barilin ito sa ulo ng hinihinalang “vigilante group” sa lungsod ng Pasig ka­hapon ng madaling-araw.

Ang biktima na natukoy sa pamamagitan ng kanyang mga kaanak ay kinilalang si Rey­naldo Bartolome, 33, ng Velas­co Ave., Pinagbuhatan Pasig.

Si Bartolome ay iniulat na itinumba ng hindi nakikilalang salarin sa may kahabaan ng Urano Velasco Avenue, Pinag­bu­hatan, Pasig City ganap na ala-1:20 ng madaling-araw.

Isinalarawan naman ng mga testigo ang suspek sa suot nitong bullcap, balingkinitan ang pangangatawan, nakasuot ng t-shirt, at maong pants.

Ayon kay PO3 Lardy Ig­nacio, may-hawak ng kaso, ma­tapos ang pamamaril ay nag­lakad lamang umano ang sus­pek patungo sa Cattleya St., Pinagbuhatan bitbit ang baril na ginamit niya sa pagpatay sa biktima.

Tinangka pang isugod ng kanyang mga kaanak ang su­gatang biktima sa Rizal Medical Center ngunit idineklara din itong patay ganap na alas-2:40 ng madaling-araw.

Magugunitang nitong Hu­we­bes ganap na alas-8 ng gabi lamang ay dalawang hinihina­lang holdaper din ang natagpu­ang may tama ng bala sa kani-kanilang mga ulo matapos na pagbabarlin din ng hinihinalang grupo sa may Caruncho Ave. sa harap ng Lianas Super­ market, Brgy. Palatiw, Pasig City. (Ricky Tulipat)

Show comments