MANILA, Philippines - Pinagdadampot ng mga awtoridad ang labinlimang magsasaka na kinabibilangan ng apat na babae, nang magtangkang pumasok sa loob ng Palasyo ng Malacañang upang doon magsagawa ng kilos- protesta, kahapon ng umaga.
Isinailalim muna sa medical check-up sa Ospital ng Maynila (OSMA) ang mga dinampot na magsasaka makaraang makairingan at makasagupa ang grupo ng mga awtoridad. Nakilala ang mga ilan sa dinampot na sina Jose Rodito Torres, Romeo Pidoy, Edelyn Paclibar, Dorita Vargas, Irene Celis, Gerry Cahilig, Jimmy Mameng, Reymundo Garay at pitong iba pang di nabanggit ang mga pangalan.
Sa ulat, dakong alas-10 ng umaga kahapon nang arestuhin ang mga magsasaka na pawang kabilang sa komukondena sa napakong pangako diumano sa pagkakaloob sa kanila ng lupa mula sa pag-aari nina First Gentleman Mike Arroyo at tiyuhin nitong si Antonio Arroyo sa Hacienda Bacan, Hacienda Paraiso at Hacienda Grande.
Isinisigaw ng grupo ang hindi pagpapatupad ng extension ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) upang sa kanila maipamahagi ang lupaing pag-aari ng pamilya ng Unang Ginoo.
Halos nagtamo ng mga galos sa katawan ang mga naarestong raliyista nang pwersahang pasukin ang Aguado at J.P. Laurel sts., sa may gate malapit sa New Executive Building ng Malakanyang habang may dala-dalang mga placards.
Nakatakdang sampahan ng kasong Alarm and Scandal at Illegal Assembly ang mga raliyista na nakadetine sa Manila Police District-General Assignment Section dahil sa panggugulo at pagtitipun-tipon ng walang permit, bukod pa sa ipinagbabawal din ang magdaos ng rally sa harap at tabi ng Malakanyang. (Ludy Bermudo)