Kritikal ang dalawa sa tatlong frat members makaraang mag-hamon ng away sa kanilang katunggaling grupo, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Sugatan bunga ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ang mga biktimang sina Eric Lopez, 19, out-of-school youth, at Raymart Villaruel, alyas “Bong” 18, ng nasabi ring lungsod .
Batay sa ulat, dakong alas-10:20 ng gabi nang mangyari ang nasabing insidente sa E. Reyes St., Road 3, Purok 3, Lower Bicutan, Taguig City.
Nabatid na bago ito, ang dalawang biktima kasama ang kaibigang si Ramon Paloma, 16, residente ng 11 M. Mariano St., Lower Bicutan, Taguig City na pawang miyembro ng “Atigo Beta Gang” ay nagtungo sa lugar ng pinangyarihan ng insidente at hinahanap ang mga miyembro ng STB gang.
Nagkataon naman umano na isang lalaki na naka-upo sa gilid ng kalye ang pinaghinalaang miyembro ng STB gang ang nagtatakbo nang makita ang mga biktima.
Dahil dito, nagsisigaw ang mga biktima at kasama han nito at pilit na pinalalabas at hinahamon ng away ang mga miyembro ng STB gang.
Sa insidenteng ito, isang hindi kilalang lalaki na armado ng baril ang biglang lumabas at pinagbabaril ang naghahamon na mga biktima na nagresulta sa malubhang pagkakasugat ng mga ito. (Rose Tamayo-Tesoro)