Inaresto ng mga operatiba ng Manila Police District ang isang 64 anyos na Barangay kagawad matapos itong ireklamo ng panununog sa isang aso kahapon ng umaga sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Ramon Cailo, ng Barangay 571 Zone 56, Palawan St., Sampaloc ng nasabing lungsod.
Ayon kay SPO2 Leo Marquez, Desk officer ng MPD-Station 4, dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang pagsunog sa aso sa panulukan ng Palawan St. at Visayas Avenue, Sampaloc.
Naaktuhan ng isang mapagmalasakit na mamamayan ang suspek habang binubuhusan nito ng gasolina ang isang babaeng aso bago nito sinindihan ng apoy.
Kaagad na ipinagbigay alam sa pulisya ang insidente na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Ipinaliwanag naman ng suspek na patay na ang naturang aso kaya sinunog na lamang niya ito kesa mabulok na lamang sa kanilang lugar.
Sa kabila ng paliwanag ng suspek ay sasampahan pa rin ito ng kasong cruelty to animals. (Gemma Amargo-Garcia)