Isang provincial bus ang nasunog matapos na mag-over heat ang aircondition nito kahapon ng umaga sa Taft Avenue, Maynila.
Ayon kay PO2 Ferdinand Leyba ng Manila Police District-Station 5, dakong alas-11:30 ng umaga nang magsimulang masunog ang BBL Transit bus na may plate no. AVK-756 at minamaneho ni Edgar Panopio.
Sinabi ng konduktor ng bus na si Melandro Romo na, bago nagkaroon ng apoy ang likurang bahagi ng bus, bigla na lamang huminto ang sasakyan pero nang muli itong paandarin ay bigla na lamang itong nag-apoy habang nasa tapat sila ng Philippine Womens University sa Nakpil St.
Napansin ni Romo na pagkatapos na huminto sa pagtakbo ang aircon ay may kumislap sa likuran bahagi ng bus at pagkatapos ay may naamoy silang parang nasusunog na kable kaya kaagad siyang naalarma at pinababa ang mga pasahero.
Kaagad nakatawag ng bumbero ang mga guwardiya ng PWU kaya hindi tuluyang naabo ang bus samantalang wala namang nasugatan sa may 20 pasahero dito. (Gemma Amargo-Garcia)