Upang patunayang seryoso sa paghingi ng tawad sa nobya, nagpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng silver cleaner ang isang 18- anyos na binata matapos na magpadala ng text message, kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
“Sana mapatawad mo ako sa nagawa kong kasalanan sa iyo, eto lang ang alam kong paraan para mapatawad mo ako,” ayon sa text message sa cellphone ng biktima na ipinadala sa isang “Nina” na nobya umano ng biktima.
Kinilala ang biktimang si Christian Peyra, walang trabaho, ng #276 San Roque st., Barrio Magsaysay, Tondo.
Dakong alas-8 ng umaga nang madiskubre ng isang Josh Capili, barkada ng biktima, ang bangkay nito na bumubula ang bibig at wala nang buhay sa 2nd floor ng isang bahay sa #154 San Roque St..
Bago ang insidente, alas-2 ng madaling-araw nang magkakasamang kumain ang biktima, si Capili at iba pang barkada sa isang Tapsilogan.
Habang kumakain ay nagkwento ang biktima hinggil sa pakikipag kalas ng nobya nito dahil sa nagawa niyang kasalanan.
Inakala ng mga barkada na ang paglalabas niya ng botelya ng silver cleaner na kanyang iinumin ay isang pagbibiro lamang hanggang sa magpasya silang matulog na magkakasama sa tambayan.
Kinabukasan, alas-8 ng umaga nang matuklasang patay na ang biktima. (Ludy Bermudo)