“Huwag tularan ako na snatcher. Magbago na po kayo. Huwag gagalawin ang karton sa katawan ng mga biktima.”
Ito ang mga katagang nakasulat sa katawan ng dalawang kalalakihang pinaghihinalaang mga holdaper matapos na pagbabarilin ng hinihinalang miyembro ng vigilante group sa isang palengke sa Pasig City, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ayon sa ulat ng pulisya, nakilala ang mga nasawi na sina Marlon Gardoze, 23, binata, at Andrew Salangoste, 24, kapwa ng Brgy. Pinagbuhatan ng nabanggit na lungsod.
Ang mga biktima ay nagtamo ng tig-isang tama ng bala sa ulo, kung saan dead-on-the-spot si Salangoste habang si Gardoze ay nagawa pang maitakbo sa Pasig City General Hospital ngunit hindi na rin umabot nang buhay.
Malaki ang paniwala ng mga awtoridad na miyembro ng isang vigilante group base ang may kagagawan ng pamamaslang dahil na rin sa estilo ng pagpatay na ginawa sa mga biktima.
Nabatid na bago natuklasan ang mga katawan ng biktima ay isang tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen ang natanggap ng Pasig Police kaugnay sa pamamaril na naganap sa Caruncho Ave., harap ng Lianas Supermarket, Brgy. Palatiw, Pasig City ganap na alas- 8 ng gabi.
Nang respondehan ng mga awtoridad ang lugar ay saka natuklasan ang mga duguang katawan ng biktima na kapwa may mga tama ng bala. Nakakabit din sa mga ito ang kapirasong karton na nakasulat ang naturang kataga. (Ricky Tulipat)