5 pekeng NPA commanders, timbog sa kotong
Inaresto sa isang entrapment operation ng mga tauhan ng NBI ang apat na factory workers at isang security guard na nagpanggap na mga kumander ng New People’s Army (NPA) para makapangikil ng milyong halaga sa isang negosyanteng babae sa Maynila, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni NBI Director Atty. Nestor Mantaring ang mga suspect na sina Janet G. Lugasan, nag-alyas na “Kumander Lita,” ; Joseph B. Gahisan, alyas “Kumander Roger” ; Rick A. Altizo, alyas “Kumander Bien,” security guard ; Albert A. Yape at Leo D. Gulisao.
Tinutugis pa ang hinihinalang ‘utak’ ng grupo na si Scott Sy-Go, diumano’y live-in partner ng suspect na si Lugasan, residente ng Novaliches, Quezon City. Nagawa pa umanong takutin ng mga suspect ang biktimang si Sally Go, nang tapunan umano ng ulo ng pugot na baboy at laman-loob nito dahil sa pagtawad ng biktima na makapagbibigay lamang siya ng P300-libo sa halip na P5-milyon at paghahagis ng bomba sa opisina ng biktima.
Sa ulat ng NBI-Intelligence Services, sinabi ni Deputy Director Atty. Ruel Lasala na bago naganap ang pagkaaresto, nakatanggap ang biktima ng sulat mula sa isang babae, na sa kalaunan ay nakilalang si Lugasan. Nakasaad sa liham na may lagda pa umano ng isang “Ka Roger” ang panghihingi ng P5-milyon sa negosyante para sa samahan ng NPA.
Ilang follow-up na mga tawag sa telepono din umano ang natanggap ng biktima kaya nagsumbong ito sa NBI. Mabilis na nakilala ng NBI ang mukha ni Lugasan dahil na-capture ang mukha nito sa closed-circuit television (CCTV) camera na nakapuwesto sa gate ng opisina ng biktima sa Cuneta Avenue, Pasay City at nakopya din ng security guard ang plaka ng sasakyan nito.
Sa entrapment, ilang ahente ng NBI ang nagpanggap din na kaibigan ng biktima at nakipagnegosasyon upang pababain sa P300,000 ang hinihingi ng mga ito na ikinagalit umano ng mga suspect kaya nanakot at nagpadala pa ng pugot na ulo ng baboy at lamang-loob nito na iniwan sa compound ng tanggapan ng biktima.
Nang igiit umano ng undercover agents sa nego sasyon na gawin na lamang P500-libo, nagalit muli ang mga suspect at dahilan naman sa paghahagis ng bomba sa opisina ng biktima na nagdulot umano ng tensiyon sa mga residente dahil sa pagsabog. Kabilang din sa pananakot ang pagbabanta ng mga suspect na alam nila kuing saan nag-aaral ang mga anak ng negosyante at maari nila itong gawan ng masama.
Nang makipagkasundo umano ang undercover agents na kayang ibigay ang P1.5 milyon ay isinagawa ang bayaran sa lumang sinehan sa Ermita, Maynila noong Pebrero 3, Martes. Si Lugasan o Kumander Lita sakay ng itim na Mazda( ZRU-121) at apat pang kasabwat ang lumutang at agad na dinakip habang tinatanggap ang marked money.
- Latest
- Trending