Hawak na muli ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean National na nakatakas kamakailan mula sa Immigration Jail sa Bicutan.
Ito ay makaraang kusang sumuko sa ahensya ang nasabing dayuhan kamakalawa.
Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, si Byung Kyu Choi, na wanted sa Korea sa kasong large-scale fraud at swindling, ay ipapatapon sa Korea sa lalong madaling panahon.
Sinabi ni Choi na nagdesisyon siyang sumuko dahil hindi na niya makayanan ang matinding “pressure” sa ginagawang pagtatago.
Ayon kay Libanan, bago pa ang pagsuko ng nasabing dayuhan, natukoy na ng kanilang mga tauhan ang pinagtataguan nito.
May mga kakilala rin umano si Choi na pumayag makipagtulungan sa ahensya para magbigay ng impormasyon sa pinagtataguan nito.
Magugunita na una nang ipinag-utos ni Libanan ang pagsasagawa ng manhunt operation laban kay Choi matapos itong makatakas sa detention cell noong January 24.
Dahil sa nasabing insidente, sinibak sa pwesto ang Jail warden at 5 jailguards na responsable sa pagkakatakas ng dayuhan.
Nakatakas si Choi matapos na payagan ito ng kanyang mga guwardya na idaan sa kaniyang opisina sa FTI complex sa Taguig matapos magtungo sa dentista.
Pagdating sa nasabing tanggapan ay parang bulang naglaho ang dayuhan. (Gemma Amargo Garcia)