Bumuo kahapon ang lokal na pamahalaan ng Pasay City ng isang monitoring team laban sa mapagsamantalang retailers ng liquified petroleum gas (LPG) na nagtatago ng naturang produkto.
Ayon kay Pasay City Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad, ang monitoring team ay pamumunuan ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP), mga kinatawan ng Department of Industry (DTI), Consumers Group, Public Office & Safety Unit (POSU) at Business Permit and License Office (BPLO).
Layunin umano ng monitoring team ay upang madakip ang mga mapagsamantalang LPG retailers na nagtatago ng naturang cooking gas para maitaas ang presyo nito sa panahon ng kagipitan o kakapusan ng supply nito.
Kasabay nito, binalaan ng alkalde ang lahat ng LPG retailers sa lungsod na mahaharap ang mga ito sa kaukulang kaso sakaling mapatunayang nagtatago at nag-o-over price sa presyo ng naturang produkto. Bukod sa pagsasampa ng kaso, tatanggalan rin ng kaukulang lisensya at ipasasara ang tindahan na mapatunayang nagtatago ng kanilang itinitindang LPG. (Rose Tesoro)