Kalunos-lunos ang naging kamatayan ng isang contruction worker matapos itong madaganan at matusok pa ng gumuhong salansan ng mga bakal na gagamitin sana sa konstruksiyon ng itatayong tatlong palapag na bahay, kamakalawa ng hapon sa Makati City.
Nasawi noon din ang biktimang si Rainer Reguindin, 21 ng 20th Avenue, Brgy. East Rembo, nabanggit na lungsod nang pumailalim ang kanyang katawan sa gumuhong salansan ng mga bakal na bumaon at tumusok sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.
Nakatakda namang kasuhan ng pulisya ang contractor ng naturang itatayong bahay sa Santol St., Brgy. Comembo, Makati City dahil umano sa kapabayaan nito matapos matuklasan na pawang mga coco lumber na may sukat lamang na 2x4 ang ginamit na kahoy bilang suporta sa isang talaksang ng mga bakal.
Batay sa ulat ni PO2 Emelson Madronio, may hawak ng kaso, pasado alas- 2 ng hapon nang mangyari ang nasabing insidente sa construction site ng itatayong bahay sa naturang lugar.
Nabatid na abala umano sa pagsasalok ng inaalis na tubig mula sa malalim na hukay na pagbabaunan ng poste ng itatayong bahay ang biktima nang biglang gumuho ang salansan ng mga bakal na may sukat na 10mm diametro.
Napag-alaman na unang bumigay ang coco lumber na tanging sumusuporta sa mahigit isang metrong taas na salansan ng mga bakal na siyang dumagan at tumusok sa iba’t ibang parte ng katawan ng biktima dahilan upang magkulay dugo ang tubig sa malalim na hukay na pagbabaunan sana ng poste. (Rose Tamayo-Tesoro)