Pamilya ng MMDA executive bibigyan ng security
Bibigyan ng seguridad ng Philippine National Police (PNP) ang pamilya ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Sidewalk Clearing Operation Chief Roberto Esquivel kasunod ng pananambang sa behikulo ng opisyal na ikinasawi ng kanyang driver habang sugatan naman ang 14-anyos nitong anak na lalaki sa Brgy. San Vicente, San Pedro, Laguna noong Lunes.
Ayon kay PNP Chief Director General Jesus Verzosa, ipinag-utos na niya ang pagtatalaga ng security personnel sa pamilya Esquivel.
Nitong Lunes ay pinagbabaril ng mga kalalakihang armado ng M-16 rifles na nagpakilalang mga rebeldeng NPA ang sasakyan ni Esquivel sa nasabing lugar.
Sa nasabing insidente ay nasawi ang driver ni Esquivel na si Johnny Labay habang sugatan naman si Micko Esquivel, ang anak na lalaki ng nasabing opisyal.
Pinaniniwalaan namang ang target ng mga suspect ay ang naturang opisyal ng MMDA bunga ng mahigpit nitong krusada sa nasabing ahensya.
Kaugnay nito, inatasan na rin ni Verzosa si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Leopoldo Bataoil ang PNP’s Crime Investigation and Detection Group na makipagkoordinasyon sa pamilya Esquivel upang siyasatin ang insidente.
Naghihinala naman ang mga awtoridad na ang pag-atake ay kagagawan ng leftist urban hit squad matapos na marekober sa crime scene ang mga leaflets ng Partisano letterheads.
Nabatid na sa nasabing ikinalat na mga leaflets ay nagrereklamo ang grupo ng nasabing hit squad sa mahigpit na pagpapatupad sa sidewalk clearing at demolition operations ng naturang MMDA official.
Samantala binuo kahapon ni NCRPO chief, Director Leopoldo Bataoil ang Task Force Esquivel upang tutukan ang kaso ng pananambang sa anak ng MMDA official.
- Latest
- Trending