QCPD best police district sa loob ng 3 taon

Sa ikatlong sunod na pagka­kataon, nakopo ng Quezon City Police District (QCPD) ang “Best Police District award” para sa taong 2008 sa ika-18 anibersaryo ng National Capital Region Police Office kahapon.

Bukod dito, tatlo pang mala­laking karangalan ang nakamit ng QCPD kabilang ang “Plaque of Recognition” kay Sr. Supt. Federico Laciste Jr., deputy district director for operations na na­nguna sa paglikida sa mga sin­dikato ng mga holdaper, karna­ per at kidnaper sa Quezon City.

Kabilang dito ang pagka­kapaslang sa isang miyembro ng Ilonggo Group sa Batasan Hills, pagkakapaslang sa 4 miyembro ng kidnap for ransom gang sa engkuwentro sa Que­zon Avenue underpass at pag­kakapaslang sa tatlong karna­per sa Visayas Avenue sa mga lehitimong operasyon.

Nakuha rin ng distrito ang “Best Women and Children’s Protection Desk” at “Special Recognition” kina SPO2 Elieric Nicolas at SPO2 Roger Trinidad ng Cubao police station mata­pos na kusang-loob na gumawa ng paraan at isauli sa babaeng may-ari ang pitaka na nagla­laman ng P12,000 at US$100 ng walang kulang.

Iniulat din ni NCRPO chief, Director Leopoldo Bataoil ang pagbaba ng 3% sa insidente ng krimen sa taong 2008 mula sa 17,828 krimen noong 2007 na bumaba sa 17,433 insidente sa taong 2008. 

Sinabi ni Bataoil na naka­tutok ngayon ang NCRPO sa koordinasyon sa publiko upang mapalakas ang tulungan laban sa krimen at pagpapalakas sa intelligence gathering kontra sa iligal na droga.  (Danilo Garcia)

Show comments