QCPD best police district sa loob ng 3 taon
Sa ikatlong sunod na pagkakataon, nakopo ng Quezon City Police District (QCPD) ang “Best Police District award” para sa taong 2008 sa ika-18 anibersaryo ng National Capital Region Police Office kahapon.
Bukod dito, tatlo pang malalaking karangalan ang nakamit ng QCPD kabilang ang “Plaque of Recognition” kay Sr. Supt. Federico Laciste Jr., deputy district director for operations na nanguna sa paglikida sa mga sindikato ng mga holdaper, karna per at kidnaper sa Quezon City.
Kabilang dito ang pagkakapaslang sa isang miyembro ng Ilonggo Group sa Batasan Hills, pagkakapaslang sa 4 miyembro ng kidnap for ransom gang sa engkuwentro sa Quezon Avenue underpass at pagkakapaslang sa tatlong karnaper sa Visayas Avenue sa mga lehitimong operasyon.
Nakuha rin ng distrito ang “Best Women and Children’s Protection Desk” at “Special Recognition” kina SPO2 Elieric Nicolas at SPO2 Roger Trinidad ng Cubao police station matapos na kusang-loob na gumawa ng paraan at isauli sa babaeng may-ari ang pitaka na naglalaman ng P12,000 at US$100 ng walang kulang.
Iniulat din ni NCRPO chief, Director Leopoldo Bataoil ang pagbaba ng 3% sa insidente ng krimen sa taong 2008 mula sa 17,828 krimen noong 2007 na bumaba sa 17,433 insidente sa taong 2008.
Sinabi ni Bataoil na nakatutok ngayon ang NCRPO sa koordinasyon sa publiko upang mapalakas ang tulungan laban sa krimen at pagpapalakas sa intelligence gathering kontra sa iligal na droga. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending