Pasahe sa tricycle sa Valenzuela, iro-rollback
Dahi sa patuloy na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo, inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod ng Valenzuela ang isang ordinansa na nag-aatas sa lahat ng Tricycle Operators and Drivers Association na ibaba ang kanilang singil sa pamasahe.
Nakasaad sa ordinansang inisponsoran ni 2nd District Councilor Rosalie Esteban-Cayco na mula P8 ay ibaba na sa P7 ang minimum na pamasahe sa tricycle sa lahat ng sulok ng nasabing lungsod.
Nabatid na may karapatan ang Sangguniang Panglungsod ng Valenzuela na magpatupad ng regulasyon sa operasyon ng tricycle sa lungsod kung kaya’t sa pamamagitan nito ay inaatasan ang lahat ng TODA na magbaba ng kanilang singil sa pamasahe.
Nabatid na binuo ang ordinansang ito matapos na makatanggap ng reklamo ang tanggapan ni Valenzuela City Mayor Sherwin “Win” Gatchalian at maging ang Sangguniang Panglungsod mula sa publiko na nagsasabing hindi nagbabawas ng singil sa pamasahe ang mga TODA kahit na bumaba na ang presyo ng mga produktong petrolyo partikular ang diesel.
Sakaling mabigyan na ng kopya ng ordinansa ang lahat ng TODA sa buong lungsod ay obligado na ang mga ito na ibaba ang singil sa kanilang pamasahe.
Napag-alaman pa na ang sinumang mahuhuling driver o TODA na hindi tumutupad sa ordinansang ito ay maaaring makasuhan ng paglabag sa kautusan ng lokal na pamahalaan. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending