Barangay kagawad inambus, patay
Isang 40-anyos na barangay kagawad ang tinambangan at napatay makaraang barilin ng malapitan ng apat na kalalakihan, habang bumibili ng softdrink sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa UST Hospital ang biktimang si Ricky Aquino, Kagawad ng Barangay 511, Zone 15, District 4 at residente ng Algeciras St., Sampaloc, Maynila sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan mula sa kalibre .45 baril.
Mabilis namang nagsitakas ang apat na suspect matapos ang isinagawang krimen.
Sa ulat ni Det. Gerry Amores ng MPD-Homicide Section, dakong alas-8:30 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa harapan ng Pharmalyn Drug Store sa #1860 Maria Clara St., Sampaloc, Maynila.
Bumibili umano doon ang biktima nang lumutang ang dalawa sa apat na suspect at isa ang umasinta sa ulo at katawan nito.
Nang bumulagta ang biktima ay kinumander umano ang tricycle (PG-1173) na minamaneho ng isang Ronaldo Espiritu upang daanan ang dalawa pang suspect na kasamahan na nagsilbing look-out, sa panulukan ng Maria Clara at Quinto Sts.
Isa pang tricycle na may plakang TM 5235 na minamaneho ng isang Arnaldo Ico ang sinakyan ng dalawang look-out at inutusan ang drayber na sundan ang sinasakyan ng dalawang naunang suspect sa direksiyon ng Espana Street.
Tinitignan ng pulisya ang anggulo ng droga na motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima.
Kinumpirma sa imbestigador ni Chairman Arnold Ginete, ng Bgy 511, Zone 15, District 4 na minsan na rin nitong kinausap at binalaan ang biktima hinggil umano sa balita sa kanilang barangay na ang mga kapatid nito ay nagtutulak umano ng droga.
Maging si Engelbert Cabrera, treasurer, ng nasabing barangay ay kinumpirma rin ang balitang iniuugnay sa pagbebenta ng iligal na droga ang mga kapatid ng biktima. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending