One strike policy sa droga, ipapatupad sa PNP
Mas mahigpit na “one strike policy* ang ipapatupad ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng miyembro ng Philippine National Police (PNP) na madidiskubreng sangkot sa operasyon ng iligal na droga o nagbibigay ng proteksyon sa mga sindikato.
Sinabi ni Interior Secretary Ronaldo Puno sa ta lumpati nito sa ika-18 anibersaryo ng National Capital Region Police Office, nakatakda sila ngayong magpatupad ng resolusyon para sa “one stike policy” na mas mahigpit kaysa sa ipinapatupad sa iligal na sugal.
Sa ilalim nito, ang mga opisyal ng PNP na madidiskubreng may operasyon ng iligal na droga tulad ng shabu laboratory, plantasyon ng marijuana, o malalaking sindikato ay agad na sisibakin sa kanilang puwesto at magmamarka ito sa kanilang “career” sa buong serbisyo nito sa pulisya. Ang naturang masamang rekord umano ay magmamarka sa National Police Commission (Napolcom) at magiging hadlang para sa promosyon ng isang opisyal o makahawak ng sensitibong posisyon.
Layon umano nito na maging masigasig ang mga pulis sa isang istasyon, distrito o regional office sa kampanya kontra iligal na droga. Nanawagan rin ito sa mga pulis na sangkot sa pagtatanim ng iligal na droga na tigilan na ito upang hindi mapahamak sa ilulunsad na intensibong kampanya kontra droga.
Agad namang sisibakin ang sinumang pulis o opisyal na mapapatunayang sangkot o protektor ng iligal na operasyon at sasampahan ng kasong kriminal base sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165.
“We will implement a harsh, harder policy to ensure everybody to be serious in the problem against illegal drugs. Hindi kami nakikipaglaro sa inyo, the time for that is over. We will put a stop to that problem once and for all,* pahayag pa ng Kalihim.
Kaugnay nito, magpapatupad rin ang DILG at National Police Commission ng “random drug tests” sa lahat ng unit ng PNP sa buong bansa at ang mapapatunayang gumagamit ng iligal na droga ay agad na idi-dismiss sa serbisyo.
Ang mga pulis na mapipili ngunit tatanggi na magpasailalim sa drug tests ay lalagyan ng mantsa ang kanilang serbisyo na magiging negatibo sa kanila.
- Latest
- Trending