Warden hugas-kamay
Naghugas-kamay ang warden ng Quezon City Jail makaraang madiskubre mismo ni Bureau of Jail Management and Penology Chief Director Rosendo Dial ang “espesyal na pribiliheyo” na ibinibigay sa mga Taiwanese at Chinese drug lords na nakaditine dito.
Sa pinakahuling inspeksyon ni Dial sa QC Jail, nadiskubre ang napakaraming kasangkapan at gamit ng mga Chinese drug suspects na kumakain sa malaking espasyo ng mga selda sanhi ng mala-sardinas na siksikan ng mga bilanggo.
Dahil dito, mahigpit na iniutos ni Dial kay QC Jail warden Supt. Nestor Velasquez ang pagbabawas sa mga gamit ng mga bilanggo upang mapaluwag ang mga kulungan at paglilipat sa mga inmates sa mga pasilidad ng BJMP na mas maluwag ang mga selda.
Nakumpirma naman ang mas maluwag na buhay ng mga Chinese na bilanggo sa sorpresang inspeksyon sa QC Jail kung saan nadiskubre ang pagkakaroon ng mga telebisyon at cellular phones ng mga drug suspek. Pinabulaanan ni Velasquez ang akusasyon. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending