Aplikante ginahasa ng recruiter
Isang 54-anyos na Hapones ang dinakip ng mga kagawad ng Manila Police District dahil sa umano’y panggagahasa niya sa isang 19 anyos na Pilipinang nag-aaplay na maging singer sa Japan kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nakapiit sa MPD-Integrated Jail ang suspek na si Naohiko Murami, pansamantalang nanunuluyan sa Room 108 Green Mango Inn, sa #365 Aguirre Avenue, BF Homes, Parañaque City.
Ang biktima na itinago sa pangalang “Jana” ay residente ng Malolos, Bulacan.
Sa ulat ng MPD-Womens and Children Protection Desk, dakong alas-7:30 ng gabi nang gahasain ni Murami si Jana sa loob ng Sogo Hotel sa kanto ng Ignacia St. at Quirino Avenue, Malate, Maynila.
Sinabi ni Jana na si Murami ang nagre-recruit sa kaniya para mamasukang singer/entertainer sa Japan at sumalang umano siya sa audition dito.
Kamakalawa naman ng gabi nagkita ang suspek at ang dalaga sa Robinson’s Place sa Maynila upang isumite ang kaniyang birth certificate. Niyaya umano siyang kumain at isinama siya sa Sogo Hotel upang doon umano lagdaan ang kontrata at iba pang travel requirements.
Nang nasa loob ng hotel, pinainom umano siya ng juice at bigla na lamang nahilo at sa puntong iyon umano ay ginawan na siya ng kahalayan. Wala umanong nagawa ang biktima kahit manlaban siya dahil sa panghihina.
Hindi na umano niya namalayan ang sumunod na pangyayari at nang magising ay nakahubo’t hubad siya. Nang marinig na nasa loob ng banyo ang suspek ay agad umano siyang nagbihis at nagtungo sa himpilan ng pulisya.
Nagtungo sa hotel ang mga pulis at inabangan na lamang ang paglabas ng suspect na positibong itinuro ng dalaga.
Kahapon, isang nagpakilalang ama ng biktima subalit tumangging ipabanggit ang pangalan, 53-anyos, na masakit umano para sa kanila ang pangliliit at alok na areglong salapi ng isa umanong Jean Barias. Tumawag umano ang babaeng ito sa kanila at nagpakilala pang pamangkin umano siya ni General Gearry Barias. Sinabihan sila na babayaran na lamang at huwag nang magdemenda laban sa Hapones.
Sinabi pa umano ni Jean sa kaniya na wala naman umanong patutunguhan ang kaso dahil na-set-up lamang umano ang dayuhan at habol lamang umano nila ang pera.
Hindi pa isinasampa ang kaso dahil patuloy pa ang imbestigasyon at hinihintay pa ang resulta ng medico-legal examination kung ginahasa ang biktima o posibleng Acts of Lasciviousness lamang. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending