Kampanya vs gang war paigtingin - Lim
Binigyan kahapon ng direktiba ni Manila Mayor Alfredo Lim ang Manila Police District (MPD) kung saan pinatututukan nito ang pagpapaigting sa kampanya upang masawata ang gang war sa Maynila kung saan nasasayang lamang ang mga buhay ng mga kabataang sibilyan.
Ayon sa alkalde, base sa rekord ng Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) Commissioner Grepor Belgica, umaabot sa 30 street gang ang nagsasagawa ng kaguluhan sa lungsod na kinabibilangan ng Trece Hudas, Tau Gamma Phi fraternity, Bulabog Boys at Walang Sawa sa Alak (WASALAK).
Bunga nito, inatasan ni Lim si MPD director Chief Supt. Roberto Rosales na magreorganisa upang masawata ang lumalalang aktibidad ng street gang at pagtaas ng kriminalidad sa Maynila.
Sangkot din ang karamihan sa mga gang sa robbery at drug trafficking at nakikipagpatayan pa ang mga nabanggit na gang para lamang sa teritoryo ng kanilang illegal na aktibidad.
Sinabi ni Lim na dapat ng tapusin ng mga pulis ang mga kaguluhang sanhi ng gang at fraternity war. (Doris Franche)
- Latest
- Trending