Sinisi ng Commission on Human Rights (CHR) na kawalan ng moralidad sa komunidad ang pangunahing dahilan kung bakit mataas ang kaso ng mga pang-aabuso sa mga menor- de-edad sa Region 2.
Sinabi ni CHR investigator Anthony Cruz, nakakapanghina na kung minsan ay kinukunsinti pa ng mga magulang ang kanilang mga anak para gumawa ng incestious crimes.
Bukod dito, sinisi din ng CHR na isa rin sa mga dahilan kung bakit tumataas ang kaso ng rape ay ang hindi makontrol na pagkalat ng mga pornographic videos at reading materials na mabibili sa mga lansangan sa ngayon.
Una nang nagpahayag ng pagka-alarma ang simbahan at CHR Region 2 sa pagtaas ng bilang ng kasong rape sa mga menor-de-edad sa naturang rehiyon dahilan para magsagawa ito ng kaukulang imbestigasyon hinggil dito. Ayon pa sa CHR, ang nakakapanlumo umano na 50% ng mga rapist ay kakilala o di kaya’y kamag-anak ng mga biktima. (Angie dela Cruz)