18 Chinese tourist-workers huli sa BI
Nadakip ng Bureau of Immigration (BI) kahapon ang labing-walong Chinese workers na nagpapanggap bilang turista sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Agad iniutos ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan ang pagpapatapon sa labing-walo sa Macau, ang kanilang pinanggalingang lugar.
Ayon sa Migrant Compliance and Monitoring Group (MCMG), sa pangunguna nina Rolando Mansilla at Fernando Aquino, dumating ang 18 Chinese nationals sakay ng Air Macau Flight NX 852 at nagprisinta ng group tourist visa sa immigration inspection counter.
Nang kuwestiyunin sa pamamagitan ng interpreter, napag-alaman na ang 18 ay magtatrabaho bilang construction workers sa Cagayan Economic Zone Area (CEZA).
“From their own admission, we confirmed that indeed, they are not tourist as their documents show but they will be working at the said construction site,” nakasaad sa ulat ng MCMG kay Libanan.
Ayon kay Libanan, hindi niya hahayaan na nakawin ng mga dayuhan ang trabahong para sa mga Pinoy.
Ipinaliwanag ni Libanan na mayroong mga requirements na itinatakda ang BI para mabigyan ng working visa ang mga dayuhan na nais magtrabaho sa Pili pinas.
“While we encourage the influx of guest to enjoy our tourist accommodations in entering the country, we cannot allow admission of illegal aliens in disguise as legitimate tourist: much more if there are work intentions involved from part of these foreigners that may run against our own labor laws,” dagdag ni Libanan.
May ilang kompanya, partikular sa construction, ang mas gustong kumuha ng Chinese laborers dahil mas mura ang kanilang serbisyo kumpara sa mga Pinoy.
Aktibo si Libanan sa pagpapatupad ng programa ng BI upang mapalakas ang kanyang hangarin masugpo ang terorismo at maprotektahan ang karapatan ng mga manggagawang Pinoy. (Butch Quejada at Ellen Fernando)
- Latest
- Trending