2,000 nakatagong LPG tanks, ni-raid ng NBI
Sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Energy (DOE) ang isang establisimento na hinihinalang nagtatago ng mga tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.
Ayon kay NBI director Nestor Man taring ang pagsalakay ay ginawa sa Francie Enterprises na matatagpuan sa Benavides St. sa nasabing lugar dakong alas-10 kamakalawa ng gabi.
Nasamsam mula sa nasabing establisimyento ang may 2,100 11-kilogram na tangke ng LPG na hinihinalang tinatago ng may-ari nito na si Willliam Chua.
Sinabi ni Mantaring na ang pagsalakay ay bunsod sa isang tip na natanggap nila mula sa mga residente ng nasabing lugar na tumatanggi ang nasabing establisimyento na magbenta ng LPG.
Idinagdag pa nito na kumakalap na sila ng mga ebidensiya at dokumento upang masampahan ng kasong hoarding at economic sabotage si Chua.
Patung-patong na kaso din ang kakaharapin ni Chua matapos na madiskubre ng mga awtoridad na lisensiyado lamang ito na magbenta ng LPG na may tatak na “Total” subalit nadiskubre na mayroon din itong iba’t ibang brand ng LPG.
Bukod dito, nadiskubre din na nakatayo ang establisyemento nito sa mataong lugar gayung nag-iimbak ito ng libong tangke ng LPG na maaring maglagay sa alanganin sa buhay ng mga residente ng nasabing lugar sa sandaling sumabog ang mga ito.
Samantala, nakatanggap din umano ng impormasyon si Mantaring na nagbebenta ng mahal ang mga LPG dealer kung saan ibinebenta ng mga ito ang isang 11-kg na LPG tanks ng mahal kaysa sa itinakda ng pamahalaan.
Nauna nang nagpalabas ng kautusan ang Department of Justice (DOJ) sa NBI na imbestigahan ang mga establisimento na hinihinalang nagtatago ng LPG tanks kayat nagkukulang ang supply nito sa merkado sa kabila ng sapat na pandaigdigang supply nito.
- Latest
- Trending