Dalawang lalaking pinaniniwalaang biktima ng salvage ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City at Maynila, kahapon.
Sa Quezon City, inilarawan ang hindi nakikilalang biktima na nasa gulang na 35-40-anyos, 5’7’’ ang taas, kayumanggi, mahaba ang buhok at nakasuot ng asul na t-shirt at itim na maong pants.
Bukod sa tinamong isang tama ng bala sa mukha ay may palatandaan ding sinakal ang biktima. Nakabalot din ng packaging tape ang buong ulo nito at nakaposas ang mga kamay nito.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong alas-3 ng madaling- araw nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa #15 Green Valley St., Capitol Hills Subd., Tandang Sora, Quezon City.
Ayon sa nakasaksing si Ching Yap, residente rin sa lugar, nakarinig siya ng isang alingawngaw ng putok ng baril mula sa tapat ng kanyang bahay. Nang kanyang silipin ay nakita niyang humaharurot ang isang sasakyan na hindi niya naplakahan gayundin tumambad sa kanya ang nakahandusay sa kalsada ang bangkay ng biktima.
Sa Maynila naman, mistulang lilitsuning baboy ang hitsura ng pagkakatali ng isa pang lalaking salvage victim na natagpuang nakatali ang magkabilang kamay at paa habang balot din ng packaging tape ang ulo at mukha at nakasilid sa itim na trash bag, sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Ang hindi pa kilalang biktima ay inilarawan sa edad na 25 hanggang 35, may taas na 5’2’’-5’3’’, payat, kayumanggi, mahaba ang buhok, nakasuot ng puting T-shirt, at maong na pantalon.
Ayon sa ulat, dakong alas- 4 ng madaling araw nang matuklasan ng isang basurero ang bangkay ng biktima sa tambak ng mga basura sa gilid ng bangketa ng Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila. (Angie dela Cruz at Ludy Bermudo)