Isang Pakistan national ang nakatakdang i-deport nang masabat ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) matapos na magtangkang pumuslit palabas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) papuntang South Korea gamit ang isang pekeng passport at residence card kahapon.
Kinilala ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan ang dayuhan na si Ghulam Tayyab, 30. Siya ay nakatakdang tumungo sa Seoul nang pigilin ng BI agents dahil sa dalang pekeng Malaysian pass port at Malaysian residence card at nagpakilalang isang Ghulam Tayyab Bin Saleh.
Dahil dito, iniutos ni Libanan kay Ferdinand Sampol, BI-NAIA operations chief at miyembro ng Migrant Compliance Monitoring Group na imbestigahan ang nasa likod ng sindikato ng pagta-transport ng mga dayuhan gamit ang mga pekeng dokumento.
Napag-alaman sa imbestigasyon na nabili ni Tayyab ng halagang US$2,000 ang kanyang pasaporte at residence card sa Malaysia bago siya nakatungtong sa Pilipinas.
Nadiskubre rin na may hawak si Tayyab na tatlong electronic tickets ng iba’t ibang airlines kung saan ang tatlong flights nito paalis ng Maynila ay sa loob lamang ng isang linggo.
Ang nasabing Pakistani ay nakatakdang ipatapon pabalik sa Pakistan at ilalagay ang pangalan nito sa tala ng mga blacklisted foreign national o illegal alien sa BI at hindi na pahihintulutang makatuntong pang muli sa Pilipinas. (Ellen Fernando)