Holdaper bulagta sa parak

Namatay ang isa sa anim na hinihinalang kilabot na miyembro ng holdup and robbery gang makaraang mabaril ito ng isang pulis na kasama sa mga pasahero ng bus na biniktima ng mga una, kahapon ng hapon sa Pasay City.

Nasawi noon din sa pinangyarihan ng insi­dente bunga ng isang tama ng bala sa katawan ang suspect na si Arnelito Candasa, 36, ng Extension, Malibay ng nabanggit na lungsod. Batay sa imbes­tigasyon, dakong ala-1:25 ng hapon nang mang­yari ang nasabing insidente sa tapat ng Cathay Builder sa C. Jose St., Malibay, Pasay City.

Nabatid na unang sumakay ang grupo ng sus­pect na kinabibilangan ng anim katao sa Southern City Lines Bus na may biyaheng EDSA Crossing-Ibabaw ng Baclaran sa kanto ng Evangelista St., Makati City. Pagsapit sa tapat ng Cathay Builders sa C. Jose St., Malibay, Pasay City, ang mga sus­pect na pawang mga armado ng patalim ay agad na nagpahayag ng holdap saka sapilitang kinuha ang mga bag, salapi, alahas at personal na kagamitan ng mga pasahero.

Habang nasa aktong kinukulimbat naman ng mga suspect ang kagamitan ng mga pasahero, lingid sa kaalaman ng mga ito ay isa sa mga pasa­hero ay pulis na hindi na pinangalanan kung saan agad silang binalaan ng huli at nang hindi tumalima ang mga una ay pinaputukan na niya si Candaba dahilan upang agad itong masawi.

Habang walang buhay na duguang human­dusay si Candaba ay nagawa namang makatakas ang limang kasamahan nito lulan ng isang pampasaherong jeep na may biyaheng Evange­lista, Pasay City. Lumalabas naman sa rekord ng pulisya na ang nasawing suspect ay may mga kasong robbery-snatching noong Agosto 17, 1991 at iba pang kasong panghoholdap. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments