'Shortime', legal - Korte Suprema
Idineklarang labag sa batas ng Korte Suprema ang ordinansang ipinalabas ng Lungsod ng Maynila na nagbabawal sa “shortime rates” sa mga motels.
Base sa 32-pahinang desisyon ng Supreme Court (SC) en banc na isinulat ni Associate Justice Dante Tinga,binaligtad nito ang naunang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagdedeklarang Constitutional ang Manila Ordinance No. 7774 na pinagtibay noong Disyembre 3, 1992 na nilagdaan ni Mayor Alfredo Lim.
Samantalang kinatigan na man ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng Manila Regional Trial Court (RTC) branch 9 na nagbabawal sa operasyon ng mga motel sa Ermita-Malate area. Nakasaad sa nasabing ordinance na pinagbabawalan ang mga motel, hotel, inns, lodging house, pension house, at iba pang mga kahalintulad na establishment na mag-alok ng short time at wash up rates sa kanilang mga customers.
Dahil dito kayat kinuwestyon sa korte ang legalidad ng nasabing ordinansa ng mga may-ari ng Victoria Court at Anito Groups of Companies.
Nilinaw ng SC na bagamat nais pigilan ng ordinansa ang mga bawal na sexual activities, naaapektuhan rin naman nito ang karapatan ng mga lehitimong mag-asawa, bukod pa sa karapatan ng mga may-ari ng nasabing negosyo.
Binigyang-diin pa ng Korte Suprema na may mga umiiral nang batas para sa mga bawal na sexual activities na maaari namang ipatupad kahit wala ang nasabing ordinansa. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending