Shoot to kill order vs suspect na nakabaril sa 4 na paslit
Isang shoot-to-kill order ang ipinalabas ni Manila Police District-Station 11 chief, Supt, Nelson Yabut laban sa nagtatagong suspect na nakabaril umano sa apat na paslit nang may makaalitan ito sa koneksiyon ng iligal na pagkakabit ng kuryente, sa Parola Compound sa Binondo, Maynila, noong Lunes ng hapon.
Isang alyas “Baldo” ang hinahanting na pinaniniwalaang nagtatago sa erya ng Cavite City matapos mabaril nito ang isang Bonifacio Lebrilla, 47, ng Gate 58, Parola Compound, Tondo, Maynila. Nadamay sa barilan ang apat na menor-de-edad na kinilalang sina Joan Balansag, 10; Chris Balansag, 1; John Carlo Armada, 3 at Kim Dasoy, 6.
Aminado si Yabut na may tumutulong upang maitago ang suspect dahil kilala si Baldo bilang ‘Robinhood’ sa Parola. Wala umanong nais magbigay ng impormasyon ukol sa suspect.
Matatandaang noong nakalipas na Lunes dakong ala-1:30 ng hapon ay naglalaro ang mga batang biktima sa loob ng nakaparadang traysikel sa Parola Compound, Tondo nang magbarilan sina Librella at alyas Baldo.
Sinasabing nagtago si Librella sa traysikel habang binabaril ni Baldo kaya ang mga bata ang natamaan. Nagtamo rin ng sugat si Librella kaya ito isinugod sa Ospital ng Maynila habang sa Jose Reyes Memorial Medical Center at Gat Andres Bonifacio Hospital dinala ang apat na paslit. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending