Patay ang isang retiradong miyembro ng pulisya matapos na bistayin ng bala ng isang di-nakikilalang salarin sa lungsod ng Mandaluyong kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni S/Supt. Carlos de Sagun, Mandaluyong City Police chief, ang nasawi na si ret. SPO4 Nestor Pascual, 49, residente sa #59 P. Cruz St., ng Brgy. Zaniga ng nasabing lungsod.
Isang manhunt operation naman ang ipinag-utos ni de Sagun para sa agarang pagkakadakip ng nasabing salarin na mabilis na tumakas makaraang isagawa ang krimen.
Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may harap ng gate ng bahay ng biktima. Nabatid na kauuwi lamang umano ng biktima galing sa pagdalo sa hearing ng murder case na isinampa laban sa kanya sa prosecutor’s office ng Mandaluyong City Regional Trial Court dakong alas-4 ng hapon nang maganap ang pananambang.
Pagkaparada ng biktima sa kanyang kulay orange na Honda CRV sa kanilang garahe ay doon na sumulpot ang nasabing suspek at pinagbabaril ito.
Nagtamo ng walong tama ng bala sa katawan at ulo ang biktima kung saan nagawa pa itong maisugod sa Mandaluyong City Medical Center (MCMC) ngunit idineklara din itong patay.
Ayon sa isang testigo, ang suspek na nakasuot ng itim na pants at t-shirt, matapos ang pamamaril ay kaswal na naglakad patungo sa Parada St., na parang walang nangyari.
Ayon kay de Sagun, mayroon silang testigo na makakakilala sa suspek sa sandaling muli umano niyang makita ito.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) nakarekober ang mga ito ng anim na basyo ng bala ng kalibre 9mm automatic pistol sa nasabing lugar.
Dalawang anggulo ang tinitingnan ng pulisya sa nasabing pananambang, una rito ay ang paghihiganti o may kinalaman sa illegal drugs kung saan naging aktibo ang nasawi sa pagsugpo laban dito. Si Pascual ay nakatatandang kapatid ni Senior Insp. Hoover Pascual, ang head ng station’s anti-illegal drugs unit ng Mandaluyong City police station.