5 oras pa lang na katulong, tumangay na ng P.5 milyon
Isang 39-anyos na katulong na sinasabing may 5 oras pa lamang namamasukan ang tumangay sa tinatayang P.5 milyong halaga ng cash at alahas ng amo, sa San Andres, Bukid, Maynila, kamakalawa.
Idinulog sa tanggapan ng Manila Police District-Theft and Robbery Section ng negosyanteng si Leonora Manansala, 60, ng Batangas Line, San Andres Bukid, Maynila ang reklamo laban sa isang Mia Mendoza, tubong Mulanay, Quezon.
Ayon sa reklamo ng biktima kay C/Insp.Benigno Macalindong, hepe ng MPD-TRS, inirekomenda at inihatid pa ng kanyang kakilalang si Amalia Ruda, ang katulong kamakalawa ng madaling- araw na nagmula pa umano sa Aurora, Quezon at makalipas ang limang oras, dakong alas-9 ng umaga ay naghatid siya sa paaralan ng apo.
Iniwanan lamang umano niya mag-isa si Mendoza at sa pagbabalik niya ay wala na ito at naiwan ang dalawang supot na naglalaman ng mga damit ng suspect.
Sinamantala umano marahil ang pag-alis niya ng bahay dahil dinatnan niyang bukas ang kanyang kuwarto at tinungkab na umano ang aparador niya na naglalaman ng mga alahas at cash.
Iimbestigahan din ng pulisya si Ruda na siyang nagdala sa nasabing katulong sa bahay ng biktima.
- Latest
- Trending