Lider ng 'Dugo-Dugo gang' timbog ng NBI

Isang pinaniniwa­laang lider ng “Dugo-Dugo gang” na nagpapa­kilalang consul at ambassador ang nalambat ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) maka­raang irek­lamo ng isa sa mga na­biktimang Overseas Filipino Workers (OFWs), ka­makalawa ng gabi, sa Silang Cavite.

Ang suspect na gu­ma­gamit ng maraming alyas ay nakilalang si Gilbert Tuliba, 39, na may mga alyas “Nicanor Tu­liba”, “Mark Anthony Siy, “Mario Pelare” at Edison Dizon, ng Bgy. Magu­yam, Silang Cavite, tu­bong Pototan, Tigbauan, Iloilo City.

Sinabi ni NBI Director Nestor Mantaring na nga­yon lamang sila nakaha­wak ng kasong tulad nito dahil ang pangkaraniwan umanong miyembro ng “Dugo-Dugo” ay nakiki­pagkita sa mga biktima. Sa kaso ng suspect, idi­na­daan ang pangga­gantso ng pera sa G-cash transaction.

Aminado ang suspect na siya ang tinutukoy sa mga alyas at patunay pa sa iba’t-ibang identification cards na taglay ang mga nasabing alyas na nakuha sa pag-iingat niya. Limang cellphone din ang nakum­piska sa suspect.

Isinagawa ang ope­ras­yon   bunsod ng rekla­mong inihain sa NBI ni Olivia Rempillo. Pinanini­walaang may mga kasa­mahan ito na kasabwat sa pagsu-surveiilance sa mga bibik­timahin.

Modus operandi ni Tuliba ang magpapaki­lalang siya ay ambassador at consul ng iba’t-ibang bansa sa mga kaanak ng OFWs na ta­targetin.

Sa pagtawag ng suspect, pinalalabas nito na nasangkot sa gulo o aksi­dente ang OFW na nasa ibang bansa at hihingan ang kaanak ng pera ng P40,000 hanggang P70,000 para gamitin umanong pag-areglo . Sa pamamagitan umano ng G-cash hinihiling ng suspect na ipadala ang salapi.

Ilan din umano ang pag­kakataon na nangu­ngu­tang ang suspect sa kaanak ng OFW na nasa bansa at hindi magba­bayad o hindi na magpa­pakita.

Nadiskubre ng NBI na may nakabinbing warrant of arrest sa sala ni Presiding Judge Evelyn Salao, ng Municipal Trial Court, Branch 4 ng Iloilo City dahil sa kasong estafa na kina­sangkutan noong Hunyo 25, 2002 . Ito ang ginamit para sa pagdakip kay Tuliba.

Dahil din umano sa mga alyas kaya nakaka­lusot sa pag-aresto si Tuliba.

Sa beripikasyon, na­batid na nakulong na ang suspect sa kasong illegal possession of firearms ta­ong 2002. (Ludy Bermudo)

Show comments