Madugong inuman: TV director, 1 pa patay
Patay ang isang TV director makaraang mabaril sa sikmura ng isang technician na binawian rin ng buhay nang aksidenteng mabaril umano ang sarili, kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Nakilala ang nasawi na si Robert Cheng, 68, residente ng Paco, Maynila na nagtamo ng tama ng bala sa sikmura habang binawian ng buhay sa loob ng Quezon City General Hospital ang suspek na si Oliver Santos, technician, naninirahan #21 Sipa street, Carreon Subdivision, Brgy. Talipapa.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa bahay ng suspect sa Sipa street, Carreon Subdivision kung saan isang kasiyahan umano ang naganap at isa sa mga bisita si Cheng.
Nabatid na nagising buhat sa pagkakaidlip si Cheng dahil sa pagwawala umano ng lasing na si Santos sanhi upang komprontahin at awatin ito. Ayon sa mga saksi, dito umano binantaan ni Santos si Cheng na babarilin sabay labas ng kalibre .38 paltik.
Nakita naman ng kasambahay na si Eman Radasa, 19, ang pangyayari kung saan tinangka nitong awatin at agawin ang baril kay Santos hanggang sa aksidenteng pumutok ito at tamaan ang huli sa ulo. Dinala naman sa QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit si Radasa upang isailalim sa imbestigasyon sa pagkakabaril kay Santos.
- Latest
- Trending