Harvard law student, biktima ng 'Ipit taxi'
Nabiktima ng tinatawag na “Ipit Taxi Gang” ang isang Filipino-American na law student ng Harvard University ng Estados Unidos kung saan natangay umano dito ang may P.5 milyong halaga ng salapi at mamahaling gadgets, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Nakilala ang biktima na si Nathan Santos-Smith, 24-anyos, residente ng Beverly Hills Drive, San Diego, California, USA.
Sa kanyang reklamo sa Quezon City Police District-Theft and Robbery Section, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente habang sakay siya ng taxi sa may Cubao ng naturang lungsod.
Kararating lang ni Smith buhat sa Estados Unidos at sumakay ng taxi na Toyota Corolla (TXE-427) sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at nagpahatid sa pinakamalapit na bus terminal patungong Baguio City kung saan nakatira ang kanyang tiyahin.
Dinala naman siya ng hindi nakilalang driver sa bus terminal sa may Cubao kung saan isang lalaki ang sumakay sa taxi, tinutukan siya ng baril at naghayag ng holdap.
Dito nilimas ng mga suspek ang kanyang wallet na naglalaman ng US$700, dalawang cellular phones, laptop computer, isang Sony PSP at mahahalagang dokumento.
Ibinaba naman siya ng mga suspek sa may New York Avenue sa Cubao kung saan humingi siya ng saklolo sa mga taumbayan na nagturo sa kanya sa Kamuning police station.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng berepikasyon sa Land Transportation Office ang QCPD upang mabatid kung sino ang operator at driver ng naturang taxi habang inihahanda na ang cartographic sketch sa dalawang suspek.
Mistulang na-trauma naman ang Fil-Am na si Smith na umamin na unang pagkakataon niyang makapunta ng Pilipinas. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending