Trader todas sa security aide ni BF
Patay agad ang isang negosyante makaraang pagbabarilin ito ng isang sinasabing security aide ni Metro politan Manila Development Authority (MMDA) chairman Bayani Fernando, kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Nakilala ang nasawi na si Raul Talpa, 30 at residente ng Building 14, Room 406, MRB Condominium, C-5 Road, Brgy. Ususan ng nabanggit na lungsod na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Malubha namang nasugatan ang isang bystander na kinilalang si Valentin Varga, 45, residente ng Brgy. Ususan na kasalukuyan ngayong ginagamot sa Taguig-Pateros Hospital makaraang tamaan din ito ng ligaw na bala mula sa .9mm kalibre ng baril ng suspect.
Kritikal naman sa nabanggit na pagamutan ang suspect na si Paul Jardio, residente ng Building 3-G, Unit 387, MRB Condominium, C-5 Road, Brgy. Ususan, Taguig City dahil sa mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.
Batay sa imbestigasyon ni SPO4 Regie Gapasin, may hawak ng kaso, dakong alas-12:10 ng madaling-araw nang mangyari ang nasabing insidente habang ang biktimang si Talpa at ang suspect ay nag-iinuman sa loob ng MRB Condominium ng nabanggit na lugar.
Nabatid na habang nag-iinuman ay biglang nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga ito hinggil sa umano’y madalas na pagpapaputok ng baril ng suspect.
Ang pagtatalo ay naawat ng mga kainuman pero nang tumayo ang biktima para umiwas sa gulo ay sinundan ito ng suspect hanggang sa magsuntukan na ang mga ito.
Sa gitna ng kaguluhan, binunot ng biktima ang kanyang dalang patalim at pinagsasaksak ang suspect na tinamaan sa ibat’ibang bahagi ng katawan.
Dahil dito, binunot naman ng suspect ang kanyang dalang baril saka pinagbabaril ang biktima na nagresulta sa daglian nitong kamatayan. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending