Ex-Dad lumikha ng eksena
Tapos na ang sesyon ng konseho ng Maynila noong Huwebes ng hapon nang magkaroon ng tension sa bulwagan nito sa Manila City Hall bunga ng paghahamon umano ni dating Councilor Ric Ibay kay Arnel Angeles, kapitan ng Barangay 134 Zone 11 at vice president ng Liga ng mga Barangay na si Arnel Angeles.
Nauna rito, tinanong ni Angeles si Sangguniang Kabataan Federation President Russel Ibay kung bakit ayaw pirmahan ng SK Federation ang budget para sa taong 2009. Si Russel ay anak ng dating konsehal.
Sinagot lamang ni Russel si Angeles ng “Anong magagawa ko kung mas matalino ang ExeCom (Executive Committee) ko.” Dito tinapos ni Angeles ang pakikipag-usap kay Russel at nanatiling nakaupo kasama ang iba pang mga barangay chairman.
Subalit makaraang ang ilang minuto ay biglang dumating sa session hall si Ric at ibinagsak ang dalang folder sa mesa ni Angeles. Agad namang binati ni Angeles si Ric ngunit mataas ang boses nito sa pagtatanong kung ano ang problema nito.
Dito na naglabas ng maanghang na salita si Ric at minura si Angeles. Sinabihan naman ni Angeles si Ric na huwag siyang mumurahin hanggang sa hamunin ng huli (Ric) ang una kung ano ang gusto nitong mangyari.
Tinanong din ni Angeles si Ric kung ano ang gusto nito at biglang tumayo. Batay sa aking nasaksihan, agad na lumayo paalis si Ric ng session hall nang makitang malaki ang kanyang makakalaban. Mabilis na umawat ang ibang mga barangay chairman. (Doris Franche)
- Latest
- Trending