Iniligtas ng mga tauhan ng Manila Police District at Patrol 117 ang isang out-of-school-youth na nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa Pasig River habang nakabigti sa lubid kamakalawa ng gabi sa Escolta, Maynila.
Inoobserbahan sa Gat Andres Bonifacio Hospital habang isinusulat ito ang biktimang si Ricardo Alvan Jr., 15-anyos, tubong Morong, Bataan, at walang permanenteng tirahan sa Maynila.
Sa ulat ni P/Supt. Nelson Yabut, hepe ng MPD-Station 11, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa ilalim ng Jones Bridge malapit sa Muelle dela Industria St., Escolta.
Sa ilalim ng tulay, nakipagharutan ang biktima sa kanyang mga kaibigan na sina Angelo Mortillos, 13; Joel Tanlaban, 15; at Homer Chua, 20, nang bigla siyang lumayo at nagsalita ng “pag hindi ninyo ako pinansin, magpapakamatay ako!”
Unang inakala ng mga kaibigan na nagbibiro ang biktima dahil madalas itong magsabi na magpapakamatay pag hindi siya pinapansin.
Nakita umano ng isang Emilio Rondalio, operator ng Pumping Station, ang biktima na tumalon umano mula sa Jones Bridge habang nakatali ang leeg nito sa lubid kaya tinawag ang mga kaibigan nito at pinagtulungang kalasin ang lubid.
Nang makalas ang pagkakatali ng leeg ay nahulog naman ito sa ilog na ikinalunod nito kaya mabilis na humingi ng tulong sa Patrol 117 at sa Gandara-PCP na siyang rumesponde at nag-ahon sa biktima.
Hindi na umano humihinga ang biktima kaya mabilis na nilapatan ng Cardiopulmonary Resuscitation ng Patrol 117 at himala namang nanumbalik ang paghinga nito bago dinala sa pagamutan. (Ludy Bermudo)