Dalagita sa ilog kilala na
Humarap sa Manila Police District-Homicide Section ang pamilya ng dalagitang natagpuang isa nang bangkay at lumulutang sa Ilog Pasig.
Luhaang kinilala ng pamilya ang biktima na si Princess Sarah Ang, 14-anyos, estudyante ng Makati High School.
Sinabi ni Josie Ang, 49, ina ng biktima, na noong gabi ng Enero 20 nagpaalam ang kanyang anak na pupunta sa nobyong kilala lamang sa alyas “Khen Kenjie”.
Inabot na ng madaling-araw ay hindi pa umuuwi ang biktima kaya iniutos ni Josie sa panganay na anak nitong si Jeff Ray na tawagan si Khen.
Nagulat na lamang umano si Jeff Ray nang tawagan siya ng Makati High School at payuhang magtungo sa MPD upang alamin kung ang hinahanap na kapatid ang nasa litratong bangkay na lumutang sa Pasig River kamakalawa.
Matatandaang dakong alas-7 kamakalawa ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima na nakalutang sa pagitan ng San Juan River at Pasig River sa Compound ng Custombuilt Hallow block Corp., Dalisay, Bacood, Sta Mesa, Maynila.
Sinabi pa ni Jeff Ray na nagdududa siya nang hindi umano sagutin ni Khen ang tawag niya sa cellphone nito kahit nagri-ring umano at tuluyan nang hindi nakipag-ugnayan sa kanila.
- Latest
- Trending