Kinondena kahapon ng mga negosyanteng may-ari ng mga bar, restaurant, o nightclub ang isang panukalang ordinansa na maghihigpit sa pagbebenta ng alak sa Parañaque City.
Sinabi ng mga negosyante na isang uri ng pa sanin sa kanilang negosyo ang naturang ordinansa na inakda ni Konsehal Enrico Golez na nag-oobliga sa kanila na kumuha muna ng special permit bago makapagtinda ng mga nakakalasing na inumin.
Bukod pa ang naturang special permit sa iba pang lokal na buwis na binabayaran ng mga negosyanteng nasa Parañaque City.
Ipinagbabawal din ng panukalang ordinansa sa mga bar o night clubs ang pagtitinda ng alak mula alas-10 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.
Kung nais ng mga club owners na magbenta ng alak sa kanilang establisimiyento, mula alas-10 ng gabi hanggang alas-12 lamang ng hatinggabi pahihintulutan ang mga ito at kailangang magbayad rin ang mga ito ng P50,000 para sa unang special permit.
Kapag magtitinda naman ng alak mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-3 ng madaling-araw, magbabayad ang mga ito ng karagdagang P75,000 para sa pangalawang special permit na ayon pa sa mga negosyante ay mistulang “panggigipit” sa kanila. (Rose Tamayo-Tesoro)