JS Prom sa Maynila kinansela
Ipinakansela kahapon ni Manila Mayor Alfredo Lim ang planong pagdaraos ng Junion-Senior prom sa Manila Science High School nang mabalitaan niyang bawat estudyante ay pinagbabayad pa ng tig-P2,000 para sa naturang okasyon.
Tinagubilinan ng alkalde si City School Superintendent Dr. Ponciano Menquito ng Manila Department of Education na walang dapat gastusin sa pag-aaral ang sinumang estudyante.
Sinabi ni Lim na, bagaman hindi isang “straight fee” ang P2,000, aabot ito sa malaking halaga na maaari pang gamitin sa iba ng isang mahirap na pamilya.
Aniya, dagdag pa ang mga bibilhing gowns ng mga babae at pormal na ka suotan naman sa mga lalaking estudyante.
Dahil dito, pinasisiyasat ni Lim kay Menquito kung totoo ang planong JS prom at kung sino ang promoter ng malaking gastusin na ito para sa mga estudyante. (Doris M. Franche)
- Latest
- Trending