Raket sa repair ng bahay nabunyag
Binalaan kahapon ng Engineer’s Office ng Pasay City ang mga residente ng lunsod na mag-ingat laban sa isang organisadong sindikato ng mga retiradong pulis na bumibiktima ng mga nagpapakumpuni o nagpapagawa ng mga bahay at gusali.
Ang babala ay nabulgar matapos sumugod at magreklamo sa tanggapan ng City Engineering Office ang mga may-ari ng nagpapagawa o nagpapakumpuni ng mga bahay na puwersahang pinagbabayad ng sindikato ng ticket na nagkakahalaga ng P2,000 hanggang P5,000.
Ginagamit ng sindikato ang “The Police Tribune Foundation, Inc.” at Police Tribune Magazine at pinupuwersa at tinatakot nito ang mga may-ari ng bahay na ipatitigil ang konstruksiyon kapag hindi nagbayad ng tiket.
Bukod sa walang address sa ticket, wala umanong nakasaad kung may napagkakalooban ng benepisyo o sa sariling kapakanan lamang ito ng sindikato.
Ayon sa pahayag ng isa sa 19 na biktima na nagpakilala sa alyas “Lex”, electrician at residente ng Tramo na isang Romy Rivera na kasapi ng grupo na nagpanggap na opisyal ng City Engineering ang nagbanta sa kanya na ipatitigil ang construction kapag hindi binayaran ang P5,000 halaga ng ticket.
Namamahagi rin ang grupo ng ticket para sa fund raising ballroom sa halagang P2,000 pero wala itong petsa at venue kung saan at kailan gaganapin ang okasyon. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending