Giniit ng Commission on Human Rights (CHR) sa Dangerous Drugs Board (DDB) na huwag na munang ituloy ang nakatakdang pagpapatupad nito ng random drug testing sa Pebrero ng taong ito.
Sa isang liham na ipinadala ni CHR chairperson Leila de Lima kay Undersecretary Edgar Galvante, executive director ng DDB, binigyang diin nito na makabubuting mapag-aralan muna nang husto ang proyekto bago maipatupad.
Iginiit ni de Lima na hanggang kasalukuyan ay wala pang ipinalalabas na impact assessment at evaluation ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno sa isinagawa ring katulad na aktibidad o random drug test sa mga estudyante noong 2003 hanggang 2005.
Ipinaliwanag pa ni de Lima na bagaman nai-presinta ng Department of Health (DOH) nitong nakalipas na Enero 16 ng kasalukuyang taon sa kanilang pulong ang mga kaparaanan para sa naturang drug test, maging ang resulta at ang mga rekomendasyon para sa mas epektibo pang implementasyon, wala naman anyang anumang presentasyon kung papano nakatulong ito sa policy direction ng gobyerno sa pagtugon sa problema sa iligal na droga
Maliban dito, wala rin anyang presentasyon sa panig ng gobyerno kung papano tinukoy, minonitor, isinailalim sa rehabilitasyon at napagbagong-buhay ang mga napatunayang gumagamit ng iligal na droga.
Naniniwala ang CHR na sapat na panahon ang kailangan para masuring mabuti ang planong ito ng DDB upang mabatid kung ito ba ang sagot para matuldukan na ang operasyon ng iligal na droga sa bansa. (Angie dela Cruz)