LTO nais makialam sa drug test ng mga drivers
Makikialam na ang Land Transportation Office (LTO) sa pagkakaloob ng drug test sa mga driver na kukuha ng lisensiya sa ahensiya. Ito ang inihayag ni LTO Chief Alberto Suansing kasabay ng pagsasabing sila ang nasisisi sa pagkakaloob ng drug test sa mga driver gayung ang bagay na ito ay pinangangasiwaan ng Department of Health (DOH).
Ani Suansing, hihingin niya sa DOH na payagan sila na siyang magbigay ng authorization sa mga drug test center na magbibigay ng drug test sa mga driver na kukuha ng lisensiya. Dahil sa ang DOH ang namamahala sa drug testing sa mga LTO Offices, bulag ang LTO na malaman kung sino ang nagkakaroon ng drivers license kahit adik.
Aminado si Suansing na may mga drivers license holder na adik kayat kapag nakialam na ang LTO sa pagbibigay ng drug test sa mga driver, malamang na maibsan ang bilang ng mga adik na driver sa lansangan.
“Sinungaling ako kung hindi ko sasabihin na walang adik na driver, meron yan pero bulag kami diyan dahil hindi kami ang nangangasiwa sa mga drug test center na nagbibigay ng drug test sa mga driver kundi ang DOH”, pahayag ni Suansing.
Anya, sa DOH pa rin magmumula ang accreditation ng mga drug test center na mag-operate sa LTO, pero ang authorization ay nais nitong sa LTO magmula. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending