Dahil na rin sa kakulangan ng elepante na magpapasaya sa mga namamasyal sa Manila Zoo, personal na nanghingi si Manila Mayor Alfredo Lim ng isa pang elepante sa Thailand Ambassador to the Philippines na si Kulkumut Singhara Na Ayudhaya.
Sa ginanap na salu-salo kamakalawa, sinabi ni Lim na ang nag-iisang elepante na si Mali, 29, ay hindi sapat na makapagpasaya sa mga namamasyal lalo na ng mga bata sa Manila Zoo. Kasabay nito, nabatid na inatasan ni Lim si Secretary to the Mayor Atty. Rafaelito Garayblas na sumulat din sa iba pang embahada para sa posibleng donasyon ng mga hayop sa Manila Zoo na makapagdaragdag ng saya at environmental awareness ng mga residente at namamasyal dito.
Lumilitaw na ang Manila Zoo na may sukat na 5.5-hectare sa ilalim ng Public Parks & Recreation Bureau na pinamumunuan ni Engineer Deogracias Manimbo ay kasalukuyang nangangalaga ng may 660 hayop kung saan 114 dito ay species.
Ayon kay Manimbo kailangan na madagdagan ang mga hayop sa zoo upang mas dagsain pa ito ng mga turista. (Doris Franche)